Header AD

Nagpoprotestang mga magsasaka, inimbitahan ni Pres. Duterte na maghapunan sa Manila Hotel

Isang pambihirang imbitasyon mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang natanggap ng may 200 magsasaka na nagpoprotesta sa Mediola, Maynila nitong Martes ng hapon.


"Kumain na kayo ng hapunan?" tanong ni Duterte sa mga magsasaka na inimbitahan niyang maghapunan sa Manila Hotel.

"Ilan kayo lahat dito? Bong, reserve ka ng 200 sa Manila Hotel. Doon ko kayo pakainin. Ayaw ninyo? Bong, 200 sa Manila Hotel. Gusto nila Manila Hotel,"

direktiba ni Duterte sa kaniyang special assistant na si Bong Go.

"Basta 'yung nakabarong lahat don, huwag ninyo pansinin 'yun. Hindi tayo magkakilala. Sabi ni Mayor, dito kami magkain ng hapunan... Manila Hotel... para makatikim kayo," dagdag niya.

Nasa Mediola ang may 200 banana plantation farmers para hilingin kay Duterte na mamagitan para obligahin ang Lapanday Foods Corporation na sundin ang kautusan ng gobyerno na ibigay ang lupain na nararapat sa kanila bilang agrarian reform beneficiaries.

Ang mga magsasaka ay mula sa Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Inc. (MARBAI) ng Lapanday Foods Corporation sa Tagum, Davao del Norte.

Noong Abril 18, nakatakda sanang samahan ni Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano ang MARBAI farmers sa 145-hektaryang lupain pero hindi natuloy dahil sa usapin ng seguridad.

Naglagay umano ang Lapanday Foods Corp. ng nasa 800 armadong security guard para bantayan ang banana plantation.

Noong Marso 7, nakipagpulong ang mga magsasaka sa ilang kongresista kasunod ng imbestigasyon na ginawa ng Commission on Human Rights (CHR) at DAR at Lapanday dahil sa insidente ng mga karahasan.

Sa pagharap ni Duterte sa mga magsasaka, tiniyak nito na masusunod kung ano ang legal at naayon sa batas.

Pinayuhan din niya ang mga magsasaka na lumayo sa iligal na droga.

"Wag kayong pumasok ng droga kasi pumapatay talaga ako... Ngayon trabaho lang. Ang trabaho ko maghanap ng oportunidad para tayong lahat mabuhay. Wala ng violation ang lahat," aniya.

"Ayaw ko talaga ng corruption... papatay talaga ako diyan sa corruption," dagdag ng pangulo. — FRJ, GMA News

Nagpoprotestang mga magsasaka, inimbitahan ni Pres. Duterte na maghapunan sa Manila Hotel Nagpoprotestang mga magsasaka, inimbitahan ni Pres. Duterte na maghapunan sa Manila Hotel Reviewed by AsianPolicy.Press on 1:29:00 AM Rating: 5

Post AD