Header AD

Bong Go thanks Filipinos on election victory

Bong Go's Statement Re: 2019 Elections

Hindi matutumbasan ng anumang salita ang pasasalamat ko sa inyong tiwala sa isang ordinaryong probinsyanong katulad ko. Tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, ako ay isang simpleng tao lamang na nangarap na makapagserbisyo ng tapat at lubos sa inyo.

Dalawampu’t isang taon akong naging isang trabahante. Isang assistant na walang hinangad na kapalit pero nangarap ng mabuting kinabukasan para sa ating mga anak. Hindi ko inakala na ang pagtatrabaho kong ito ay magdadala sa akin sa Senado.

Pinasasalamatan ko si Pangulong Duterte at ang kanyang buong pamilya. Itinuturing kong pangalawang ama at guro si Pangulong Duterte. Sa pagsiserbisyo ko sa kanya, nahubog ako sa tunay na serbisyong Tatak Duterte. Mas naging malawak ang aking pananaw sa buhay at mas naging malalim ang aking pagkakaunawa sa tunay na pangangailangan ng ating mga kababayan.

Tulad po ng sinasabi ng karamihan, this midterm election can be treated as a referendum. This victory can be attributed to the performance of this administration.

Sinuportahan ng mga Pilipino ang mga inendorso ng presidente dahil gusto nila magpatuloy ang pagbabagong sinimulan ni Tatay Digong. Ang mga major accomplishments ng kanyang administrasyon at ang kanyang mataas na satisfaction rating ay mga rason ng pagkakanalo ko at ng mga kasamahan namin.

Nais ko ding pasalamatan ang lahat na sumuporta sa akin, lalo na sa mga nagboluntaryo, na sabay kong sumabak sa init, ulan, alikabok at sa mga sakripisyong ating dinanas sa ating paglilibot upang makapag-iwan man lang ng ngiti at pag-asa sa ating mga kababayan. Nais ko ring pasalamatan ang ating mga guro, pulis, militar at COMELEC na nagtulong-tulong upang maidaos natin ang matapat, maayos at tahimik na halalan.

Hindi nagtatapos sa halalang ito ang ating pakikipag-ugnayan sa isa't isa. Kung tutuusin, sa araw na ito nagsisimula ang mas pinaigting na pagsiserbisyo natin sa sambayanang Pilipino. Asahan ninyo na lalo kong ipagpapatuloy ang aking tapat, makatao at maka Diyos na serbisyo sa bayan.

Katulad ni Pangulong Duterte at ng kanyang pamilya, naging biktima din ako ng black propaganda. Sa kabila ng maruming pulitika, mas naging malakas ang aking tiwala sa Diyos at sa talino ng kapwa ko Pilipino.

Para po sa mga kabataan natin, huwag kayo matakot mangarap. Huwag ninyo maliitin ang kahit simpleng pagtulong at pagseserbisyo niyo sa kapwa dahil sa bawat taong mapasaya at mapagaan ninyo ang hinaing, babalik rin sa inyo ang kabutihang nagawa ninyo. Tanging Diyos lang ang nakakaalam ng inyong tadhana sa buhay.

Tapos na ang halalan. Panahon nang magkaisa na tayong lahat para simulan ang mas mahalagang gawain sa pagsusulong ng kaunlaran ng ating bayan. Sama-sama nating iangat ang katayuan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo mula sa gobyernong nagmamalasakit sa tao.

Ipagpapatuloy ko ang naumpisahan natin. Tuloy ang pagbabago. Tuloy ang serbisyong Tatak Duterte para sa kapwa nating Pilipino.

Muli po, maraming salamat sa inyong lahat. Samahan niyo po ako sa bagong yugto ng ating pagsiserbisyo. Mula noon hanggang ngayon, at sa darating pang mga panahon, wala po kaming ibang hangarin kung hindi ang kabutihan ng bawat Pilipino. Mahal po namin kayo. ###

Bong Go thanks Filipinos on election victory Bong Go thanks Filipinos on election victory Reviewed by AsianPolicy.Press on 6:44:00 AM Rating: 5

Post AD