Header AD

BALIKAN: Mga pangako ni Pangulong Duterte, natupad na

Sa darating na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 22, ilalatag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang agenda sa natitirang panahon ng kaniyang termino.

Bago ito, binalikan ng ABS-CBN News ang ilan sa nakaraang tampok na pangako ng pangulo.

Isa sa pinakamakabuluhang pangako na natupad ni Duterte ay ang pagpasa ng Bangsamoro Organic Law, na nagbigay-daan sa paglikha ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa kabila nito, marami pang kailangang tulong ang Mindanao gaya ng isyu ng terorismo.

Magugunitang sa kaniyang SONA noong 2018, sinabi ng pangulo: "I have made a pledge that ISIS terrorists, groups or its allies will never gain foothold in our country."

Binitiwan ng pangulo ang pangako 9 na buwan matapos mabawi ang Marawi sa mga terorista.

Mula noon, 3 suicide bombing ang inako ng Islamic State.

Kasama rito ang mga pagsabog sa Lamitan, Basilan noong Hulyo 2018; pagsabog sa Jolo, Sulu noong Enero; at pagsabog sa Indanan, Sulu noong Hunyo.

Ayon sa security analyst na si Rommel Banlaoi, maigting naman ang laban ng gobyerno kontra terorismo.

"The threat has not yet disappeared because there are still pro-ISIS elements that are still championing the ideology of the Islamic State," ani Banlaoi.

Pero mahalagang bigyan din ng pansin ang rehabilitasyon ng Marawi.

"The delay in the rehabilitation program is providing opportunities for pro-ISIS elements to take advantage of the ongoing frustrations," ani Banlaoi.

Isa ang pamilya ni Noraliso Pundag sa higit 400 pamilya na nakatira pa rin sa evacuation centers.

Naaalala pa ni Pundag ang pangako ng pangulo na tutulungan ang mga biktima.

"Hindi ko na alam kung matupad na 'yon. Siyempre, wala kaming nakikitang nakatayo sa ground zero," ani Pundag.

Pero ayon kay Eduardo del Rosario, chairman ng Taks Force Bangon Marawi, "on track" ang rehabilitasyon.

"Parang ang bagal but for us who know how hard it is, we say that we are on track," ani Del Rosario.

Lahat daw ng nasa evacuation center ay ililipat na sa transitory shelter ngayong Hulyo.

Sa oras na matanggal na ang mga bombang hindi pumutok sa Marawi, magiging mabilis na ang pagtayo ng mga pampublikong gusali.

ENDO

Inaabangan din ang isyu ng mga mamamayan kaugnay ng "endo" o end of contract ng mga manggagawa.

"No tolerance ako dito (endo), ito ang pangako ko sa tao," ani Duterte noong Agosto 2016.

Isa ang saleslady na si "Alice" sa mga patuloy na sumasailalim sa "endo."

Limang buwan lamang ang kontrata nila ng mga kapwa salesperson sa isang department store sa Makati.

"Mahirap mag-apply lalo na 'pag wala kang pera, mangungutang ka muna bago ka makapag-apply," ani "Alice."

Ayon naman sa Department of Labor and Employment, maraming kompanya pa ang hindi nila naiinspeksiyon dahil kulang sa tao.

"Ang suggestion namin is to help us also by giving us information," ani Labor Undersecretary Ana Dione.

BORACAY REHAB

Pagdating naman sa pangakong rehabilitasyon ng Boracay, masasabing natupad ito ng pangulo.

Malaki na ang iginanda ng dagat.

"It has improved a lot," ani Leonard Tirol, chairman ng Boracay Foundation Inc.

Marami pa umano dapat gawin sa Boracay tulad ng pagbawal sa mga kolorum na sailboats at pagbawal ng pumpboats sa protected marine areas.

Nabigyan ng cash assistance ang mga manggagawa nang magsara ang isla at karamihan sa kanila ay nakabalik sa dating trabaho.

Pero higit 400 din ang nawalan ng trabaho nang magsara ang mga pinagtatrabahuhang establisimyento.

Kung madadagdagan man ang mga pangako ng pangulo sa darating na SONA, inaasahan ng mga Pilipino na itutuloy pa rin ang trabaho sa ilang hindi pa natutupad na pangako.

-- Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News

BALIKAN: Mga pangako ni Pangulong Duterte, natupad na BALIKAN: Mga pangako ni Pangulong Duterte, natupad na Reviewed by AsianPolicy.Press on 3:43:00 PM Rating: 5

Post AD